Ang nagagawa ng takot

Mahirap husgahan ang mga motibo ng tao kung bakit nila ginagawa o hindi ginagawa, kung bakit nila pinipili o hindi pinipili ang isang bagay.

Matagal ko nang naiisip ang mga bagay na ito ngunit ngayon ko lamang nahanapan ng panahon upang isulat. Napunta ito sa aking isipan nang mga panahong pinag-uusapan namin sa aking klase sa pilosopiya ng relehiyon ang mga taong naniniwala at tinatanggap ang Panginoong Diyos sa panahong malapit na silang kunin ng kamatayan. “Death-bed converters” ang tawag sa kanila at pagkatapos ikwento ito ng aking kamag-aral sa buong klase, tinanong ng aking guro kung hindi ba parang mababaw ang naging dahilan ng mga taong ito. Na kaya lang sila naniwala ay dahil sa takot na baka sa pagtatapos ng kanilang buhay ay mayroon ngang langit at impyerno. Na may buhay pa pala pagkatapos ng buhay na ito sa lupa at kung hindi sila maniniwala ay impyerno ang kanilang bagsak. Tunay nga ba silang naliligtas kahit sa natitira nilang mga sandali? Tunay nga bang sa langit pa rin ang punta nila?

May sumagot na ayon sa kanyang paniniwala, maaari pa ring mapunta sa langit ang mga taong ito basta’t tinanggap nila at pinaniwalaan si Hesu Kristo. May isa namang sumagot na kung titignan ay parang mababaw nga ang dahilan ng mga taong ito sapagkat hindi naman nila talaga pinaniniwalaan ang Diyos buong buhay nila. Pagkatapos ngayon ay bigla-bigla na lamang silang maniniwala dahil sa takot. Kumbaga’y parang di talaga tunay ang kanilang paniniwala at parang ginagawa na lamang nila ito upang manigurado na kung mayroon ngang buhay pagkatapos ng kamatayan ay mapupunta naman sila sa isang maganda at maginhawang lugar.

Habang ako’y nakikinig, napapaisip ako sa kanilang mga sinagot. Tama naman ang kanilang mga sinasabi sa isang banda. Ngunit sa kabilang banda, nabagabag din ako lalo na sa pinakahuling sagot. Hindi ko sinasabing mali ang kanyang mga sinabi kundi parang lalo lamang akong napaisip. Nais ko sanang sumagot sa klase ng araw din na iyon ngunit nauna sa akin ang takot. (Ha. Narito na naman tayo sa salitang takot.) Natakot ako sa aking propesor na sa kanyang galing at talino ay baka maliitin niya lang ang sasabihin ko. Ngayon ko na lamang naiisip na kung gagawin niya iyon ay nagpapatunay lamang na di talaga siya magaling. Sapagkat sabi nga ni Sokrates (kung di ako nagkakamali), wisest is he who knows he does not know.

Para sa akin, wala tayo sa posisyon para masabi kung mababaw nga o hindi ang naging dahilan kung bakit nila pinili maniwala bigla sa Panginoon bago sila mamatay. Ang mga matatandang ito na malapit nang malugutan ng hininga ay walang pinagkaiba sa ating mga bata pa at marami pang panahon upang mabuhay. Iba-iba ang motibo natin kung bakit tayo naniniwala sa isang relehiyon. Posibleng dahil iyon na ang ating kinalakihan o kaya naman dahil din sa takot natin sa ating mga magulang. Napilitan na lamang tayo dahil ito ang kagustuhan nila.

Tulad na lamang din ng mga taong naniniwala na sa Diyos, paano kung mapunta sila sa posisyon na sila’y pahihirapan (torture) hanggang sa itanggi na nila ang kanilang paniniwala sa Diyos. Paano kung babalatan sila ng buhay o bubunutin ang kanilang mga ngipin? Di lahat ng tao’y kaya itong tiisin kaya’t mapapabago sila ng sagot dahil sa takot o sobrang sakit na nararamdaman. Natatakot na sila sa mga kasunod pang sakit na mararanasan nila kung hindi nila itatanggi ang kanilang pananampalataya.

Dahil na rin sa aking pagbabasa ng Silence ni Shusaku Endo, bumalik ulit sa aking kamalayan ang mga pagmumuning ito.  Nagsimula ang kwento kay Christovao Ferreira na isang misyonaryo na Jesuita sa bansang Hapon. Sinasabing siya raw ay may malakas na pananampalataya sa Panginoon. Ngunit nang siya’y mahuli at pahirapan sa pamamagitan ng pagbuhos sa kanya ng kumukulong tubig, kanyang tinalikuran ang kanyang paniniwala at nakarating ang balitang ito sa Portugal. Bagamat di ko pa natutuloy ang kwento at di ko pa nalalaman kung totoo nga ang mga pangyayari, napaisip ako na ang tao ay talagang may kahinaan. Maraming mga pagkakataon na itinatanggi ng mga tao ang paniniwala nila sa Diyos. Pati si Pedro na isang disipulo ni Hesus ay naitanggi ang Panginoon ng tatlong beses. At dahil sa anong rason? Takot.

Paano kung sa akin mangyari iyon? Sinasabi ko ngayon na naniniwala ako sa aking Panginoon ngunit kung mapunta ako sa kalagayan na ako’y pahihirapan, ano na nga ba ang isasagot ko? Kaya ko pa rin bang panindigan ang Diyos?

Sa kabilang banda, kung ako naman ang matandang malapit ng mamatay, ano na ang gagawin ko? Kaya ko pa rin bang panindigan ang lahat ng kalokohan na ginawa ko sa aking buhay at masabing di ako naniniwala sa Diyos? Kaya ko bang harapin ang walang hanggang paghihirap sa impyerno kung totoo ngang mayroon nito tulad nang sinasabi ng ibang tao?

Ang huling sumagi sa aking isipan ay ang halos walang pagkakaiba ng mga naniniwala (believers) at di naniniwala (non-believers) sa Diyos. Maraming mga tao na nagsasabing Kristiyano sila ngunit ano ang ginagawa nila sa buhay nila? Di ba’t tulad lamang din naman ng mga di naniniwala? Na tila tulad lang din nila ang pamumuhay ng mga hindi naniniwala at saka na lamang babaling sa Panginoon kapag sila’y nasa dulo na ng kanilang mga buhay.

Advertisements

2 thoughts on “Ang nagagawa ng takot

  1. Marahil nakadepende iyong pagtanggap sa dahilan kung bakit tinanggap. Tinutukoy ng huling sumagot ang mga taong mamamatay na nagsambit ng katagang “naniniwala ako” ngunit hindi naman tumagos sa puso. Ang mga taong “natakot” sapagkat maaaring wala silang patutunguhan kapag sila ay namatay. Hindi ba’t isang kapalaluan iyon? Isang banidad ng tao na takot na walang kahantungan pagkamatay?

    Ngunit gaya ng nasabi mo, walang makapaghuhusga kung ano ang mababaw sa hindi dahil may illan (at hinihiling kong mas nakararami) na naniwala, hindi dahil sa takot na walang mapuntahan, kundi dahil nakaramdam sila ng pag-uusig sa kaibuturan ng kanilang puso. Ang pagtitiwala sa Diyos, ang pagsuko ng buhay (na pinakamahalagang biyaya niya sa atin), at ang pagsasaalang-alang ng mga maiiwanang mahal sa buhay sa kamay ng ating Panginoon – ito marahil ang maaaring gawing sukatan (ngunit maaari ring hindi LAMANG ang mga ito) para malaman kung gaano katotoo ang pagsambit ng “naniniwala ako”.

    Iba-ibang perspektibo, iba-ibang rason. Sa huli, ang Diyos lang rin naman ang makapagsasabi sapagkat Siya lang rin naman ang higit na nakaaaalam. 🙂

    1. Una sa lahat, salamat kaibigan sa iyong komento. 🙂 Magandang nalalaman ang iba-ibang perspektibo upang mas higit pang maintindihan ang mga bagay-bagay.

      Base sa aking mga karanasan, minsa’y dinadala tayo ng pagkakataon sa mga sitwasyong nasasubok ang ating mga sinabi. Minsa’y sa una, ito ang aking katayuan (stand) sa isang bagay. Ngunit kapag naroon na ko sa mismong sitwasyon, biglang matatanto ko na “Ah, hindi pala. Naiintindihan ko na kung bakit iyon ang ginawa niya.”
      Sa una, (bilang halimbawa) maiisip ko na “Parang ang babaw naman.” Ngunit pag napunta na ko sa parehong sitwasyon o kung di man ay kahit sa isang similar na sitwasyon, biglang “Ay hindi pala.” At saka ako parang matatahimik at tatanggapin ako’y nagkamali pala sa aking paghuhusga. Sapagkat marahil sa isang banda ay pare-pareho lamang tayong mga tao.

      Ngunit gaya rin ng sabi mo, tunay na ang Diyos lang ang makapagsasabi. (Na Siyang tanging nakalalampas sa limitasyon nating mga nilikha Niya.) 🙂

      “It is not man who judges. God knows our weakness more than anyone.” -Shusaku Endo, Silence

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s